
Rarely does internationally acclaimed Filipino filmmaker Lav Diaz (“Ebolusyon ng Isang Pamilyang Pilipino,” “Ang Babaeng Humayo,” “Panahon ng Halimaw,” “Norte, Hangganan ng Kasaysayan,” “Hele sa Hiwagang Hapis,” “Mula sa Kung Ano ang Noon” etc.) give interviews especially on cam particularly in online shows as his closest and trusted friend and talent Hazel Orencio said, “mahirap pong umoo ito sa (he is scarce in online shows)” no matter how globally famous he is.

Lav granted us an email interview instead as Hazel suggested. “Sasagot po ‘yon sa (He will definitely answer in) email,” quipped Orencio. At that time of my request, she said, “busy po siya sa (he’s busy in the editing of) Historya ni H (History of H),” a foray on the life of a puppeteer (played by John Lloyd Cruz) and his dummy in the 1950s which was recently screened at the prestigious British Film Institute (BFI) London Film Festival in London, United Kingdom.
Notably, in his rare visual appearances as well like guesting on TV, press conferences or one-on-one in-person interviews before the invasion of the new coronavirus and the rise of virtual teleconferences like Zoom and other platforms during the COVID-19 pandemic, Lav has been talking mostly in Filipino which gives him a unique persona of a native artist who promotes the national language.
Surprisingly, Lav is from Mindanao but he is a fluent speaker of Tagalog which is admirable for someone as learned as he.
It was in this context that the interviewer had chosen to send him questions in Filipino which we answered rightfully in the native tongue.
Here’s my exclusive conversation with Diaz:
Boy Villasanta (BV): Una, pagbati. Ipinalabas kamakailan sa 2021 British Film Institute (BFI) London Film Festival ang pelikula mong “Historya ni Ha,” ano ang kalagahan nito sa isang pandaigdigang pestibal na tulad ng BFI London filmfest?
Lav Diaz (LD): Salamat, Boy. Lagi nang isinasama ng BFI London Film Festival ang mga pelikula ko. Binibigyan nila ng puwang ang ating cinema, at iba pang cinema ng mundo. Ang BFI ay isang institusyon sa United Kingdom na ang tuon ay ang taunang pagbubuo ng komunidad ng cinema, at kasama tayo.
BV: Laging itinatanghal at nakikipagtunggali ang karamihan sa ’yong mga pelikula kadalasan sa Europa, ano ang kaibahan ng kondisyon ng pagtangkilik ng mga Europeo sa’yong mga obra at sa pagtanggap ng mga tagapanood sa ibang kontinente?
LD: Wala akong nakikitang kaibahan sa pagtangkilik. Tayo ang naunang cinema sa Asya, at ang yaman ng ating cinema mula’t mula. Ang lamang nila sa Europa, America, South America, India at Australia ay maayos ang kanilang pagpuprograma at matatag ang mga institutusyon nilang pangkultural. Ito ang mga pook na ang taas na ng kamalayan ng mga institusyon at mamayan nila sa sining ng cinema. Kaya kahit hindi nasa antas ng komersyal na obra ang isang cinema ay tinatangkilik ito ng mga manunood. Sa mga nasabing kontinente, halimbawa’y sa India, kahit na ang labing-isang oras na Ebolusyon ng Isang Pamilyang Pilipino ay puno ng manunood. Sinabi kong walang kaibahan sa pagtangkilik ay sa kadahilanang nakikita naman natin na handang-handa na rin ang madlang Pilipino (huwag nating tawaran ang kakayahan ng ating mamamayan) sa kahit anong uri ng cinema, pero may suliranin nga tayo sa pagpuprograma at may kakulangan tayo ng mga institusyong nakatuon ang vision sa tamang pagpapalaganap ng midyum na ito. Isang kultural na gawain ang sining ng cinema, at ang ibig sabihin nito’y mahalaga ang usaping paglilinang at pagpapalaganap. Malaking tulong na ang pagkakaroon ng mga sinehan, komersyal man o hindi, ilang taunang festival at ilang sangay ng pamahalaan na nakatuon din ang tungkulin sa cinema, pero higit pa riyan ang paglilinang at pagpapalaganap. Mahalagang ihanay ang cinema, at iba pang sining, sa kolektibong hakbangin ng bayan. Halimbawa’y sa sektor/sistema ng tradisyunal na edukasyon. Kung sa murang gulang ng pagtuturo sa elementarya ay kasama na sa kurikulom ang sining, ang kahalagahan nito sa kultura, sa paglilinang ng kamalayan ng kabatataan, at ipagpapatuloy ito sa hayskul, hanggang kolehiyo, isang kolektibong kilusan sa sining ang magiging bunga at katuparan nito. Idagdag pa riyan ang pagsasagawa ng mga istruktura ng buhay na cinema, gaya nang mga cinematheque, na walang humpay na magpapalabas ng mga sine sa lahat nang sulok at dako ng ating bayan. At napakahalaga ring ang mga itatalagang magtatao sa mga istruktura at institusyong ito ay hindi mga partisano (na ang tuon ng serbisyo ay hindi sa sining kundi sa pulitiko o taong nagtalaga sa kanila) kundi mga may malawak na kaalaman at pang-unawa sa sining at sa pakikibakang kultural ng bayan.
BV: Sa panonood ko ng ilan mong pelikulang mahahaba at black and white, ang pailalim na mensahe ng mga ito ay pulitikal pero hindi halata o desimulado, bakit mo kinamalayan ang ganitong taktika imbes na hayagan ang paghahain ng marubdob o kontrobersyal na naratibo tungkol sa kasaysayan o pulitika, partikular, siyempre sa Pilipinas?
LD: Kung panunoorin mo ang mga pelikula ko, Boy, marubdob itong nakatuon sa naratibong Pilipino at sa kasaysayan ng ating bayan. At direktang tumatalakay ang mga ito sa pakikibakang Pilipino, sa kamalayang Pilipino, lalo na sa katotohanan at katarungan. Maliwanag ang tayo ng aking cinema sa nagsasalaula sa atin, mga pinunong madidilim gaya nina Marcos at Duterte, ang mapanglaw at malupit na kolonisasyon ng Espanya, ang mapanghimasok na paglalagi ng Amerika, ang karahasan ng panahon ng Hapon.
BV: Ano ang aral na nakamtan mo o leksyon na natutunan mo sa paggawa noon ng mga pelikula para sa studio na tinalikuran mo o ano ang pagkakaiba o pagkakapareho ng sistema ng paggawa mo noon at ngayon ng pelikula mula sa produksyon hanggang sa distribusyon? Baka may kimkim ka pang nais “ikumpisal” na hindi pa alam naming mga miyembro ng publiko.
LD: Ang suliranin ko lang naman sa studio system ay ang marami nitong limitasyon. Wala akong kinimkim o pinanatiling galit. Tinatanaw kong utang na loob ang pagbibigay sa akin ng puwang ng Regal Films at mahal ko ang apat na pelikulang nagawa ko roon. Marami akong gustong gawin sa aking cinema na hindi ko maisakatuparan sa studio system kaya lumabas ako. Hindi ito nangangahulugan na hindi na ako gagawa sa sistemang iyan. Hindi ko inihihiwalay ang tinatawag na indie cinema sa studio system. Pareho lang yan. Parehong cinema natin. Nasa filmmaker na kung anong gagawin niya o magagawa niya. Kahit na sa anong kondisyon at sitwasyon naman, ang kalayaan ng sining o ang sistema ng paggawa, at ang magiging bunga at kahihinatnan nito ay napakarelatibo.
BV: Gaano kapulitikal ang “Historya ni Ha” bukod pa sa pangkalahatang panlipunan at kultural na implikasyon nito? Kahit hindi ko pa napapanood ang pelikula, nahihinuha kong ito ay tungkol din sa “impit” na “tinig” ng mamamayan na “binubusalan” pa ng tusong may kapangyarihan—sa gobyerno at iba pang ahensiya ng lipunan—upang makapaghari at saklutin ang boses ng bayan para ibaling ang pakikinig sa salita ng “puppet” o de-susing nagpapasya sa buhay ng masa o sa mas maraming pinaglilingkuran ng nasa poder. O si Ha ay lagusan ng tinig ng wala?
LD: Nakuha mo lahat, Boy. Bagamat nakaangkla ang kuwento ng taong 1957, sa taon ng kamatayan ni Pangulong Ramon Magsaysay at sa ‘pagkamatay’ ng sosyalistang Huk Movement, maliwanag na anakronistang sinasalamin din nito ang kasalukuyan at iba pang panahon ng ating kasaysayan.
BV: Paano mo nabubuo ang isang film project mula sa pinansiyal hanggang sa mapanlikhang kapital? Ikaw lang ba ang namumuhan lalo na sa pinansiyal o sa iba’t ibang sangay sa paggawa ng pelikula o may katuwang ka sa produksyon?
LD: Dito sa Historya ni Ha, kinalkal ko ang kakarampot na laman ng aking bulsa; sarili kong gastos. Ang prinsipyo ko kasi ng paggawa ng cinema ay gaya sa isang makata, manlilikha ng awit at pintor. May pera man o wala, kapag may dumarating na ideya o musa, ay agaran ang pagkilos ko. Magsusulat na ako, mag-aalsa balutan na ako, dala ang mga mumurahin kong gamit (kamera, tripod, pangtunog, at kung kaya’y isa o dalawang ilaw) at hahanap na ako ng pook ng pagsusyutingan, mag-aanyaya na ako ng mga aktor na maaring sumama sa pakikibaka. Bumabalik akong lagi sa kinalakhan kong buhay sa kabundukan at kaparangan ng Maguindanao. Mga guro, social workers at magsasaka ang aking mga magulang. Madaling araw pa lang ay nasa sakahan na kami, nagtatanim ng palay o mais, at sa araw ay nagtuturo na sila.
BV: Ano ang ligayang nalalasap mo tuwing nakakabuo ka ng isang pelikula na mahaba at black and white?
LD: Maliwanag ang panuntunan ko sa paglikha—pinagsisikapan ko ang bawat obra; walang minamadali; inaakibat ko lagi ang diskurso/kamalayan ng mga ito sa pangkalahatang pakikibaka ng tao, ng ating bayan at ng mundo. Ang bawat paglikha at pagluluwal ay may kaakibat na malaki at mahalagang tungkulin.
BV: Ano ang pakiramdam o kaisipan mo na may mga uri ng tao o manonood na hindi lantad o nararanasan ang klase ng pelikulang ginagawa mo?
LD: Hindi minamadali ang sining, hindi makakalikha ng tamang bunga ang paspasang ‘edukasyon’, lalo na kung ang isang obra umano ay para mapanood ng marami, o tahasan na nating sabihing nilikha upang ibenta sa palengke. Wala akong problema sa ganung cinema, nirerespeto ko sila, at pinanunood ko sila, pero nagkataong hindi ganun ang aking cinema. Hindi ko ibinibenta ang aking cinema. Malaya ang aking cinema at nakatuon ang kamalayan nito sa pagpapalaya ng tao.
BV: Maaaring naitanong na ito sa’yo pero itatanong ko pa rin. Ano ang mga impluwensiya o may impluwensiya ba sa’yo ang mga pelikula o bisyon ng mga National Artist for Film tulad nina Lino Brocka at Ishmael Bernal? Kung meron, ano at bakit at kung wala naman, bakit din?
LD: Bilang alagad ng sining, hindi masukat ang naging impluwensya nila sa akin. Sina Lino at Ishmael ang nagturo sa akin na gawin kong responsible sa tao, sa bayan ang aking cinema. Sa kamalayang iyan ako nahubog nila. At salamat sa kanila.
BV: Bukod sa limitasyon na nilikha ng pandemya sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa, talaga bang sadya lang na “matipid” ka nang makisalamuha sa mas mataong industriya ng pelikula sa atin?
LD: Laking bundok ako, Boy. Hanggang ngayon, kahit saan, hirap na hirap akong makisalamuha. Kung maaari lang ay masaya na ako sa isang sulok, sa isang silid, o sa kadiliman ng isang sinehan at pinanunood si Mang Chiquito habang umaawit ito ng “Crazy” at sumasayaw nang slomo.
BV: Ano ang pag-asang natatanaw mo sa pag-ahon o pagbulusok ng sining ng pelikula sa Pilipinas sa mga susunod na araw o taon sa ilalim ng ibang liderato pagkatapos ng rehimen ni Duterte?
LD: Hindi natin alam ang hinaharap, Boy. Kung ano man ang ihahain sa atin ng susunod na pinuno. Pero ang sining, ang cinema, hindi kailanman bubulusok iyan. Patuloy itong susulong. Gagalaw ito nang malaya. At magiging salamin ito ng mga kaganapan ng panahon niya.
BV: Gaano katotoong sa isang panayam sa’yo sa ibang bansa, ay nasabi mong “fucking Duterte”? Kung totoo ito, ano ang konteksto o nasa likod ng sound bite na ito?
LD: Kung magbibilang tayo, labis-labis na ang harap-harapang pagmumura at pambabastos ni Pangulong Duterte sa kanyang mga pagtatalumpati at conferences. Nakarekord lahat yan. Nasa Youtube. Nasa mga recorders ng cellphones. Nasa mga diyaryo. Maaalala ko, nasabi ko yan sa isang panayam na nataon nung sinabi niya sa talumpati niya sa mga sundalo na maaari nilang barilin ang “puki ng mga rebeldeng babae” at maaari pa silang manggahasa at siya ang bahala sa kanila. Pangulo ng bayang Pilipinas ang nagsalita niyan. Sinong taong may tamang pag-iisip ang hindi mapapamura, Boy?
BV: May balak ka pa bang balikan ang paggawa ng mga pelikulang “maiikli” o karaniwang feature film na humigit-kumulang sa isa’t kalahating isang at de-kolor? Oo man o hindi, bakit?
LD: Kayrami kong maiikling pelikula, Boy. May tatlumpong segundo pa akong ginawa para sa Venice Film Festival. Ang pamagat nito ay Ang Paruparo. Wala akong limitasyon sa durasyon ng cinema. Malaya sa akin ang sining. At hindi ako tumatalikod sa karaniwang feature film o sa nakagawiang haba at kahit sa may kulay. Handa naman akong gumawa lagi kung may pagkakataon.
The Market Monitor Minding the Nation's Business